Wakas. Tapos na ang kabanatang ito. Apat na taong ko rin itong isinulat at kailan ma'y hindi ko maikakaila ang samu't saring kahulugan ng bawat pintig ng puso ko. Inakit mo ang musmos kong isip sa iyong mga katangian: malakas, mapanuri, at malaya. Dinala ko ang paghanga ko sa iyo nang ilang taon: pitong taon.
Unang taon.
Sumugal ako para makita ka. Sa isang papel, isinulat ko ang pangalan mo nang may halong kaba at pananabik. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay ibinaling mo ang atensiyon sa isang tulad ko. Naging sunud-sunod ang mga pangyayari- ipinakilala mo ang sarili mo at ang mundo mo. Ang galing, pero hindi hamak na ang layo ng agwat ng edad natin. Matanda ka na.
Sa tiwala ng aking mga magulang ay pinayagan akong mag-dormitoryo para mas malapit sa iyo. Sa umaga, lagi mo akong ginigising ng alas- 5 para makapaghanda para sa alas-7 kong klase. Hindi ko ininda ang lamig ng tubig sa umaga, ang (minsa'y) maruming palikuran at ang (minsa'y) kulang sa pangsangkap na almusal. Hindi na bale ang ganoong eksena basta ang alam ko, naroon ka sa may pasilyo naghihintay na samahan ako sa pupuntahan ko. Madalas tayong tahimik habang naglalakad, nag-iisip, at nakikiramdam sa gitna ng basang simoy ng hangin. Tahimik pero masaya akong kasama ka.
Dahil wala kang sasakyan noon, ang hilig nating maglakad; sa ilalim ng sikat ng araw at buhos ng ulan. Nabuo ang mga kuwento sa bawat hakbang ng paa ko sa cemento. Ikinatuwa ko rin naman ang pagpayag mo na isama ang mga kaibigan ko sa kahiligan nating maglakad. Kasabay ng mga halakhak at hikbi, natuto akong makibagay sa mga anak ng negosyante, pulitiko, empleyado, manggagawa at magsasaka. Tao rin naman pala sila, marunong magyabang at posibleng masaktan.
Pagod man sa paglalakad, lagi mo akong pinapaalalahanan na hindi lumiban sa pagkain. Sabi mo pa nga, kailangan bawiin sa pagkain ang nawalang lakas. Kasama ng pagpakilala mo sa ibang kalalakihan sa hapag-kainan, ay nabigyan ng kaukulang pansin ito. Nang dahil sa pagmamahal na iyon, tumaba ako.
Pangalawang taon.
Hindi sapat ang tayo lamang dalawa. May ilang araw na hindi ako ang kasama mo at hindi ikaw ang kasama ko. May mga sandaling hindi ako ang nasa isip ko at (marahil) hindi ako ang nasa isip mo. Pero higit sa lahat, kahit na tayo'y magkalayo, nasa saloobin natin ang ipaglaban ang isa't isa sa mga mata ng mga mapanuring hangal.
Lumipas ang ilang buwan. Nagdesisyon akong lisanin ang dormitoryo at manirahan sa isang bahay sa loob ng campus. Sa kabila nito, nakahinga naman ako nang maluwag sa suportang ibinigay mo. Nabawasan man ang mga pagkakataon ng pagkikita natin sa mga pasilyo ng dormitoryo, sinikap mo naman na abangan ako sa kanto para makasakay ng Ikot.
Sa bagong mundo, namulat ako sa tunay na buhay estudyante. Ibinahagi mo sa akin ang iilang patnubay para mabuhay. Nariyan ang pagsabak ko at paglaban sa mapang-aping sikmura sa pamamagitan ng mga alagad ng kalye. Sa bahay, naging kakampi ko ang bareta at sinag ng araw. Natuto rin akong magkulong sa kwarto para matakasan ang alingawngaw ng tukso at pagkabasag ng mga tinig malapit sa pintuan. Naging kaibigan ko ang dilim, ang init, at pati na rin ang ipis.
Sa taong ito, unti unti kong nasisilayan ang totoong hugis ng mundong kinagagalawan mo. Nakilala ko ang mga kaibigang matagal nang mulat sa katagang parang baluktot na sa mga matatanda ko lang naririnig at ayon daw kay Herbert Spencer- “Survival of the Fittest.”
Sa pagkilala, sa pagsusumikap at munting pag-aaklas, nabawasan ang timbang ko. Nahawa ako sa kalaliman ng utak mo.
Pangatlong taon.
Bumalik ulet ako sa dormitoryo. Subalit hindi tulad nang dati, wala na akong pinaka-iingatang meal card, mas malawak ang pwedeng makasalimuha, at mas malaya (lalo na pagdating sa curfew). Sa kabila ng lahat, ang kalayaang tinatamasa ay para bang isang kandilang nakasindi at unti-unting nauupos. Nagrebelde ako.
Pang-apat na taon.
Mas naramdaman ko ang pagiging malapit sa iyo. Hindi ko akalain na minsa'y isa akong salta sa mundo mo, nangangapa sa kung paano makikibagay sa lahat ng taong bahagi ng buhay mo. Minsan rin akong nakaramdam ng pagkainis, pagkabigo, pagkalumo, at kung ano pang anyo ng pagdamdam sa iyo. Maaaring ang mitsa ng mga naramdaman ko ay ang pag-iisip na sa mga sumunod na buwan ay Pagtatapos na at maaaring hindi na kita makita pang muli.
Ang lahat ng pagtatampo ay kailan ma'y hindi mo pinatulan sa pagpapaalalang hindi ko kailangan ng awa para makakuha ng atensiyon. Kailangan kong maging buo, kahit man lang sa sarili. Kailangan kong lumaban at tumayo nang matuwid sa mga paniniwala ko.
Pagkalipas.
Apat na taon. Apat na kuwento at pagsipat sa mga pangyayaring minsa'y pinangarap na kathang-isip na lang. Apat na taong lumipas subalit pabalik balik sa bawat yapak ng mga paa sa tabi ng kalsada patungong sa kung saan man. Malabo pero malalim; ang pag-tanaw ko ng utang ng loob ay isa sa mga hibla ng pag-ibig ko sa iyo.
Minsan ko na rin inisip ang mahiwalay sa dumudugtong sa ating dalawa. Pagod na ako. Para bang ayoko tumanda na kasama ka. Mas pipiliin ko pang magkita tayo at masambit ang “uy! Namiss kita” kaysa sa makita kita sa, mahigit kumulang, tatlong beses sa isang linggo.
Minsan ko na rin inisip kung kailan mo ulet ako pakikiramdaman. Ang lahat ng mga nangyari simula sa apat na taong pagkakilala hanggang sa ngayon. Kailan mo nga ba ibibigay ang paglaya ko? Hindi na ako masaya subalit nasa saloobin ko pa rin ang mga alaalang hinabi mo sa kasalukuyang pagkatao ko.
Kung kaya't gusto ko pa rin ipaalam na ikaw nga ay aking mahal, minahal, at mamahalin. Isang taimtim na pasasalamat sa pagtagpo ng ating landas. Nai-ukit na sa akin ang tatak bilang isa sa mga nagmamahal sa iyo. Sa aking mahal, ano pa man ang susunod na mangyayari, patuloy kong itataas ang kanang kamao tanda ng paghubog at pag-aruga mo sa akin. Sa malayong lupa man ang aking marating, kailan man ay hindi magbabago ang damdamin.
Sa aking mahal.
U.P.
0 comments:
Post a Comment